GLORIA, Oriental Mindoro — Naging matagumpay at mapayapa ang pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice noong Mayo 27, 2026 matapos magbigay ng security assistance at police presence ang mga personnel ng Gloria Municipal Police Station (MPS) upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa isinagawang pagdiriwang.
Sa pangunguna ni PMAJ Florante M. Sugian II, Acting Chief of Police ng Gloria MPS, nagsagawa ng security deployment at monitoring ang mga kapulisan sa mga lugar na pinagdausan ng pagtitipon at panalangin ng ating mga kapatid na Muslim partikular sa Municipal Gymnasium bilang bahagi ng paggunita sa isa sa pinakamahalagang pagdiriwang sa pananampalatayang Islam.
Layunin ng naturang operasyon na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, maiwasan ang anumang uri ng insidente, at masiguro ang ligtas at maayos na pagdiriwang ng Eid’l Adha sa nasasakupan ng bayan ng Gloria.
Ayon kay PMAJ Sugian, mahalaga ang pakikiisa ng kapulisan sa mga gawaing panrelihiyon at pangkomunidad upang higit pang mapalakas ang pagkakaisa at respeto sa iba’t ibang pananampalataya.
“Ang Gloria MPS ay patuloy na nakasuporta sa lahat ng sektor ng komunidad upang matiyak ang mapayapa at ligtas na pagdiriwang ng anumang okasyon. Ang aming presensya ay hindi lamang para sa seguridad kundi bilang simbolo rin ng pagkakaisa, respeto, at malasakit sa ating mga kababayan,” pahayag ni PMAJ Florante M. Sugian II.
Ang Eid’l Adha ay isa sa pinakamahalagang pagdiriwang sa Islam na ginugunita bilang pag-alala sa pananampalataya at pagsunod ni Prophet Ibrahim sa kagustuhan ng Allah. Idineklara rin ang Mayo 27, 2026 bilang regular holiday sa buong bansa para sa pagdiriwang nito.
Patuloy namang pinaalalahanan ng Gloria MPS ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at agad na makipag-ugnayan sa kapulisan kung may mapansing kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.
###







